via Maria Angela Medina
Kapag umuga ang lupa, umuuga rin ang damdamin. Ang mga lindol ay hindi lamang nagdudulot ng mga pinsala sa istruktura kundi pati na rin ang mga pinsala na maaring hindi maayos-ayos—ito’y hindi madaling makita ngunit isang malalim na epekto ng lindol: ang kalusugang pang-isip ng mga taong nakakaranas nito.
Sa sandaling maramdaman ang pagyanig, ang unang reaksyon ng karamihan ay matinding takot. Ang mga tunog ng gumuguhong gusali, pagputol ng kuryente, at mga sigawan ng tao ay maaaring magdulot ng panic at stress. Marami ang nakararanas ng post-traumatic stress disorder (PTSD), lalo na kung sila ay nakakita ng pagkasawi o nakaranas ng pagkawala ng mahal sa buhay. Ang iba naman ay nagkakaroon ng anxiety o takot sa pagbalik ng lindol, kaya’t hirap matulog o laging kinakabahan.
Bagama’t tila nakakatakot, may mga pag-aaral na nagpapakita na sa maikling panahon matapos ang isang malakas na lindol, bumubuti ang kalagayan ng isipan ng ilan. Sa Ecuador, napag-alamang bumaba ang bilang ng mga na-ospital dahil sa mental disorders at pati ang mga kaso ng pagpapakamatay pagkatapos ng mga malalakas na lindol. Ang dahilan ay pagkakaisa at pagtutulungan. Kapag may sakuna, madalas na lumalakas ang samahan ng komunidad—nagtutulungan, nagbibigayan, at mas nagiging relihiyoso o espiritwal ang mga tao. Ang ganitong uri ng social support ay nakatutulong upang mabawasan ang pakiramdam ng kalungkutan at takot.
Gayunpaman, habang lumilipas ang panahon, maaaring bumalik o lumala ang mga epekto sa kalusugang pang-isip. Kapag humupa na ang tulong at bumalik sa normal ang buhay, doon madalas nararamdaman ng mga tao ang pagkapagod, trauma, o depresyon. Ang mga bata at matatanda ay partikular na sensitibo sa ganitong karanasan. Ang mga bata ay maaaring maging tahimik, madalas umiyak, o matatakutin, samantalang ang matatanda ay maaaring makaranas ng matinding stress o guilt kung may mga nawala sa kanila.
Upang mapanatili ang kalusugang pang-isip matapos ang sakuna, makipag-usap sa mga kapamilya at kaibigan tungkol sa iyong nararamdaman. Ipagpatuloy ang mga gawaing nagbibigay ng saya at kapanatagan. Humingi ng tulong sa mga propesyonal kung labis na ang takot o lungkot, at tumulong sa iba — minsan, sa pagtulong, natutulungan din nating pagaanin ang sarili.
Ang lindol ay hindi lang nagiging pagsubok sa tibay ng ating mga tahanan, kundi pati sa tibay ng ating kalooban. Ngunit sa bawat pagyanig ng lupa, nariyan din ang pagkakataong muling pagtibayin ang ating pag-asa, pagkakaisa, at kakayahang bumangon.





