Muling haharap si dating House Speaker Martin Romualdez sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa susunod na linggo kaugnay ng umano’y anomalya sa mga proyekto ng flood control, ayon kay executive director Brian Keith Hosaka nitong Biyernes.
Ayon kay Hosaka, nakatakda ang isa pang pagdinig kasama si Romualdez sa Miyerkules, Oktubre 22.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na haharap ang mambabatas sa komisyon.
Dumalaw si Romualdez sa tanggapan ng ICI sa Taguig noong nakaraang linggo upang dumalo sa closed-door hearings ng komisyon.
Ayon kay Hosaka, hindi nagbanggit si Romualdez ng anumang personalidad na sangkot sa umano’y katiwalian sa kanyang affidavit, ngunit pinangalanan umano nito ang ilang mambabatas na may kinalaman sa pagbubuo ng pambansang badyet.
Itinanggi rin ni Romualdez na tumanggap siya ng kickbacks mula sa mga proyekto sa flood control.
Sinabi ng ICI na ipapatawag nito ang mga taong binanggit, ngunit ayon kay Hosaka, maaari pa itong pag-usapan ng komisyon.
"The commission wanted to go through the affidavit carefully and to read it to be able to prepare and ask questions," ani Hosaka.
"It's ongoing. They are reviewing it right now," dagdag pa niya.
Sa kanyang pagharap sa komisyon, isa si Romualdez sa mga mambabatas na pinadalhan ng subpoena upang dumalo sa pagdinig. Ipinahayag niya na wala siyang itinatago.
Ipinakita rin niya ang kanyang kahandaang ilabas ang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) at sinabing handa siyang dumalo muli sa mga pagdinig ng ICI kung siya ay muling iimbitahan.





