𝘃𝗶𝗮 𝗠𝗮𝘅𝗶𝗻𝗲 𝗘𝗹𝗹𝗲 𝗚. 𝗚𝗮𝗿𝗰𝗶𝗮
Umibig ka na ba na parang tinola? Mainit, minsa'y mapait—ngunit sa bawat subo, may lambing na unti-unting gumuguhit sa panlasa. Hindi man agad tanggap ng lahat, natututo ka ring mahalin ang pait ng dahon ng sili at ang haplos ng malinamnam na sabaw.
Ganito ko siya minahal.
Siya ang babaeng may tinig na mas malambing pa sa ulan tuwing gabi, ang matang tumititig sa akin nang walang bahid na takot. Ngunit sa likod ng bawat titig, ay may aninong nananahan sa dilim—mga bulungan ng mga kapitbahay, mga kuhang palihim, at mga matang tila laging may hinuhusgahan.
Babae sa kapwa babae? Hindi ba’t kasalanan daw iyon?
Subalit hindi ko na maalala kung kailan naging mali ang magmahal. Ang sigaw ng puso ko’y hindi dumaan sa hustisya ng simbahan o pamantayan ng pamahalaan. Sa tuwing hinahawakan ko ang kamay niya, may bahid ng kaba—na baka may makakita, baka may magtanong, baka may humusga.
Pero hindi ba’t pag-ibig ay dapat pinipili, hindi pinagdududahan?
Kahit gaano man kainit ang tinola, hindi nito mapapawi ang ginaw ng mga matang mapanghusga. Marami ang nagsasabing "Phase lang ’yan," at "Naliligaw ka lang." Tinangka akong gamutin ng dasal, ikulong sa loob ng kwarto, alisan ng cellphone at tiwala.
Ngunit wala akong sakit, hindi rin ako nagkasala.
Tanging ‘pagkakamali’ ko ayon sa kanila, ay ang magmahal ng kapwa ko babae—at mas matindi pa, ang ipaglaban siya sa mundong ayaw kaming magsalo sa iisang hapag ng katotohanan.
Noong minsang ipinakilala ko siya bilang “kaibigan,” tila may pait na bumabara sa lalamunan. Hanggang sa isang araw, pinili kong tumapat sa katotohanan: siya ang mahal ko, at hindi ko na ito ikakaila.
At gaya ng unang tikim sa kakaibang putahe, tumahimik ang hapag. Walang pumalakpak. Walang nagalit. Pero ramdam ko ang panunuyo sa lalamunan ng ilan.
Sabay kaming lumabas ng bahay, magkahawak ang kamay. Sa bawat hakbang, para kaming ulam na tinanggihan sa piyesta. Pero balewala iyon—dahil ang mahalaga, kasama ko siya.
Hindi lahat ng ulam ay kayang intindihin ng mga panlasa na nasanay sa nakagisnan. Ganoon din ang pag-ibig namin na madalas mapait sa paningin ng iba, pero para sa amin, ito ang pinakamasustansya. Siya ang sabaw na nagpainit sa lamig ng takot ko. Siya ang init sa mga gabi ng pangungutya. At sa bawat subo ng pagsubok, sabay naming nilunok ang sakit nang may tibay.
Kahit ilang beses pa kaming ilayo, pagurin, husgahan—babalik at babalik pa rin ako sa kanya. Dahil ang puso ko ay hindi hinahain sa bisig ng lipunan, kundi sa lamesang kami lang ang nakauunawa. At kung darating man ang panahong ako na lang ang may gana, ako pa rin ang magsasandok para sa aming dalawa.