| 𝘃𝗶𝗮 𝗦𝗮𝗺𝗮𝗻𝘁𝗵𝗮 𝗗𝗲 𝗖𝗮𝘀𝘁𝗿𝗼, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Malaking bahagi ng Pilipinas ang may iniindang karamdaman sa bawat bahagi ng katawan. Isa sa mga sikat na sakit ay ang pagkakaroon ng “gout,” isang anyo ng arthritis na kalimitang sanhi ng mataas na lebel ng “uric acid” na namumuo sa mga kasu-kasuan.
Batay sa datos ng Philippine Rheumatology Association (PRA), 1.6 milyong mga Pilipino ang may gout. Ayon naman sa Department of Health (DOH), mahigit 0.5% hanggang 1.6% ng populasyon ang may gout.
Inilalarawan ng National Institute of Health (NIH) ang gout bilang isang uri ng arthritis na nagdudulot ng sakit at pamamaga sa mga kasu-kasuan. Ito ay dahil sa mataas na lebel ng uric acid sa katawan ng isang tao, na madalas nagsisimula sa daliri ng mga paa papaakyat sa tuhod. Hindi lamang gout ang posibleng dulot nito, gayundin ay maaring magsanhi ng “kidney failure” dahil nga sa mataas na lebel ng uric acid sa katawan.
Base rin sa datos ng PRA, sa mga babae ay kadalasang nasa post menopause nagdudulot ng sakit ang gout at sa mga kalalakihan naman, edad 30 pa lamang ay maaari nang makitaan ng mga senyales ng gout.
“Ang gout ang pinaka-common form ng arthritis na nakikita natin sa ating mga Pinoy. Ito ay dala ng mataas na uric acid level” ani Dra. Aileen Agbanlog Dimatulac, isang rheumatologist mula St. Luke’s BGC.
Sa parehong artikulong inilathala ng NIH, inilista nito ang mga sintomas na maaring maranasan kapag nagkaroon ng gout. Ilan dito ay pananakit ng kasu-kasuan, pamamaga ng parteng nanakit at hirap sa pagtayo ng matagal. Ayon kay Dra. Dimatulac, namamana rin ito subalit malaking bilang ay nakukuha pa rin sa pamumuhay at kinakain sa pangaraw-araw ng mga tao. Ilan sa mga pagkain na ito ay mga processed foods, karneng baboy at baka, mga inuming makukulay, hipon at iba pang lamang dagat gayundin ang atay at iba pang lamang loob.
Maaaring ipagsawalang-bahala ang pananakit ng mga kasu-kasuan, subalit mahalagang malaman agad kung taglay ang sakit na ito upang matugunan at mabigyan ng medikasyon.
Ang gout ay hindi dapat balewalain sapagkat maari itong magdulot ng iba’t ibang kumplikasyon kagaya ng pamamaga ng mga arteries at daluyan ng dugo sa bahagi ng tuhod na apektado ng gout. Magdudulot ito ng mababang bilang ng dugo sa katawan na maaring mauwi sa pagkamatay.
“Sa gout kasi more on lifestyle [pero] may genetic aspect din, kung may family history... Pero most often than not, lifestyle din siya, sa kinakain, walang exercise, may associated medical condition like hypertension, diabetes, mataas na cholesterol, so yung mga ganong profile sila yung at risk magkaroon ng gout,” dagdag ni Dra. Dimatulac.
May mga gamot na inaalok sa botika, subalit ito ay maari pang makapagdagdag ng sakit sa bahaging may gout kaya’t ang nirerekomenda ng mga propesyonal ay “healthy lifestyle” sa pamamagitan ng pagkain ng gulay at prutas, pag-iwas sa mga pagkaing matataas sa acid. Gayundin ang pag-eehersisyo at iwasan ang madalas na pag-inom ng alak at ibang inuming may kulay, umiwas sa bisyo at unahin ang sariling kalusugan.
Sa malusog at magandang kalusugan, 'yan ang saGOUT sa iniindang karamdaman.