Back to News
Feature

Inang Walang Salbabida, Anak na Walang Pakialam

11 days ago
3 min read
 Inang Walang Salbabida, Anak na Walang Pakialam

𝘃𝗶𝗮 𝗠𝗮𝘅𝗶𝗻𝗲 𝗘𝗹𝗹𝗲 𝗚. 𝗚𝗮𝗿𝗰𝗶𝗮, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗵𝗶𝗹𝗶𝗽𝗽𝗶𝗻𝗲𝘀

Hindi tubig ang tunay na lumulunod sa kaniya—kundi ang paglimot ng sariling anak.

Akala ng karamihan, likas na ang pagbaha tuwing tag-ulan. Sanay na raw tayo; sanay sa pagsalba ng TV gamit ang balde, sanay sa mga batang naliligo sa kalsadang maitim ang tubig.

Pero ang hindi napapansin—matagal nang nilulunod si Inang Bayan, at hindi ulan ang pumapatay sa kanya kundi kapabayaan.

Pagsapit ng Hunyo ngayong taon, dala ng habagat at pananalasa ng Bagyong Auring at Wutip, muling lumubog ang mga lansangan sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan. Gutter-deep ang baha sa EDSA-Ortigas, Commonwealth, Guadalupe Bridge, at mga bahagi ng Las Piñas at San Jose del Monte, Bulacan. Habang bumabagal ang trapiko, ang mga mamamayan nama’y nagsisiksikan sa mga overpass at waiting shed, basang-basa, nanginginig, at tahimik na nagtitiis.

Hindi ito simpleng baha. Isa itong salamin ng palyadong sistema: basura sa kalsada, proyektong hindi matapos-tapos, at pamahalaang may pondo ngunit walang direksyon.

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), mayroong mahigit 5,500 flood control projects sa bansa mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2024. Ngunit batay sa ulat ng ahensya, 30% pa lamang ang natatapos, at inaasahang sa taong 2035 pa makukumpleto ang buong flood control masterplan para sa Metro Manila.

Samantala, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), isa sa mga pangunahing sanhi ng pagbaha ay ang mga baradong estero at drainage, karamihan ay dulot ng maling pagtatapon ng basura at informal structures sa gilid ng mga ilog.

Hindi ito basta baha. Isa itong paalala—na kahit ilang drainage ang buksan, walang tutuyo sa luhang ito kung ang ugat ng problema ay nakabaon pa rin sa basura’t kapabayaan.

Tuwing tag-ulan, inuulit natin ang parehong eksena: mag-aanunsyo ang MMDA ng pagbaha, habang ang mga magulang ay magtataklob ng plastik sa mga kagamitan. Magpo-post ng litrato ang mga opisyal habang nagpapahakot ng basura, at ang mga bata ay mananatiling basa, malamig, at natutulog sa gilid ng kartong hindi sapat upang damhin ang init ng pag-asa.

Hindi pa huli ang lahat. Maaaring marumi ang tubig, pero hindi kailangang madungisan ang ating konsensya. Maaaring mabaho ang lansangan, pero hindi kailangang mabulok ang ating malasakit. Kung hindi tayo kikilos ngayon, darating ang panahong ang baha ay hindi na lang tubig, kundi galit ng Inang matagal na nating binabalewala.

Nasa kaniya ang anyo ng isang inang handang magsakripisyo. Ngunit kung patuloy natin siyang nilulunod sa basura at pagwawalang-bahala, huwag na tayong magtaka kung isang araw, hindi na siya lumaban. Hindi nila alam, matagal na siyang umiiyak. Hindi dahil mahina siya—kundi dahil nasasaktan siya ng mga anak niyang wala nang pakialam.

About the Author

P

Pressroom Philippines

Illuminating truth, voiced by the youth — a new generation of storytellers driven by passion, purpose, and the power of perspective.

You Might Also Like

𝗡𝗴𝗶𝘁𝗶𝗻𝗴 𝗣𝗮𝘀𝗶𝗴𝗮𝘄: Kapansanan, Hindi Katahimikan

Kailan naging kasalanan ang pagiging kakaiba? Siyempre, sa matang mapanghusga. Nakakadena sa pang-aalipusta ang buhay ng isang naiiba. Iba sila kung tingnan at tratuhin, tila laging may layong paghusga. Pilit inaako ang bawat salitang nang-uuyam habang patuloy ang pagngiti — walang nakauunawa, walang pakialam.

"𝗞𝘂𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮 𝗿𝗶𝗻 𝘁𝗮𝗹𝗮𝗴𝗮": Bayang Uhaw

Lahat tayo’y may kaniya-kaniyang pangarap na umaasang marating ang buhay na maginhawa— ‘yong tipong wala nang iniintinding bukas. Tila naglalayag sa alon ng karangyaan at ang isip natin ay malayang lumilipad, malayo sa problemang pinansyal.