Nais kong makilala ngunit baka ako’y matawag na bida-bida.
Kalimitan kong nababasa ang mga katagang “clout chasing” o “clout chasers,” at aking nauunawaan na ang mga entablado at mga paligsahan na ating tinatapakan ay hindi dapat para sa karangyaan o kasikatan, bagkus para sa kung ano ang mga kahulugan nito.
Ang bawat kompetisyon, programa, o patimpalak ay dapat maging tanghalan ng talento, ng pagsisikap, at ng pagnanais na ipakita ang kung sino tayo. Ngunit sa kabila nito, saan lulugar ang mga pusong nais makilala ang kanilang mga pinaghirapan?
Dahil ba may pagnanais akong maipakita ang bunga ng aking pagod, ako na ba ay isa ng “bida-bida”? Hindi lahat tungkol sa sarili, ngunit paano naman ang mga pusong nais lamang din maramdaman na kinikilala ang kanilang pagod at dedikasyon?
Madalas, kapag ang isang tao ay aktibo, nakahawak sa mikropono, o nakikita sa entablado, agad siyang tinatatakan…“Bida-bida ka kasi.” Ngunit minsan, hindi natin nakikita na sa likod ng tapang na iyon ay ang mga taong matagal ding natutong manahimik, natutong sumuporta dahil naniniwala sila na sa tamang panahon ay bibigyan din sila ng pagkakataon. Sila ang mga tao na ngayo’y natutong tumindig para ipakita ang kanilang kakayahan.
Hindi lahat ng gustong makilala ay naghahabol ng pansin. Minsan, ang mga ito ay mga taong gustong maramdaman na ang kanilang pagsisikap ay may saysay.
May mga pagkakataon ding totoo ang panig ng mga nagsasabing “hindi mo kailangang ipagsigawan ang galing mo.” Totoo, dahil may mga taong mas pinipiling tumahimik ngunit kumikilos sa likod ng tagumpay. Ang kanilang simpleng presensya ay sapat na upang makita ang kanilang kontribusyon. Subalit hindi rin natin dapat husgahan ang mga taong pinipiling tumindig sa harapan, dahil hindi lahat ng liwanag ay nagmula sa pagyayabang, madalas ito ay sa tapang.
Sa kabila ng lahat ng ito ay may mas malalim na ugat kung bakit madaling matawag na “bida-bida” ang sinumang nagtatangkang umangat. Isa na rito ang tinatawag na crab mentality—ang ugaling hatakin pababa ang sinumang nagsisikap na tumaas. Sa halip na palakpakan, mas madalas na kinukutya. Sa halip na suportahan, pinipintasan. Ito ang isa sa mga pinakamasakit na katotohanan sa kulturang Pilipino: ang takot nating tanggapin ang tagumpay ng iba. Sa halip na maging inspirasyon, nagiging banta. Sa halip na maging halimbawa, nagiging tampulan ng mata.
Ang kulturang Pilipino ay malalim ang ugat ng hiya at pakikisama. Madalas, tinuturing nating mayabang ang sinumang nagkukusa o nagpapakita ng kakayahan. Ngunit kung palaging ganito, paano pa natin mabibigyan ng puwang ang mga taong gustong lumago, gustong subukan, at gustong ipakita na kaya rin nila? Hindi ba’t sa bawat tagumpay ay nararapat lamang na may kilalanin, hindi dahil sa paghahabol ng atensyon, kundi dahil sa pagrespeto sa pinaghirapan?
Ang “bida-bida” ay nagiging negatibo lamang kapag ang motibo ay sariling dangal lamang. Ngunit kung ang layunin ay upang magbigay inspirasyon, magpakita ng talento, at magpursige para sa kabutihan ng grupo o ng komunidad, hindi ito “bida-bida,” isa itong “bida talaga.” Dahil ang tunay na bida ay hindi ang laging nakikita, kundi ang may layunin sa bawat paggalaw.
Marahil, hindi ako nag-iisa na nais maging paksa, ngunit hindi sa paraang matatawag na “bida-bida.” Nais ko lamang makilala, hindi upang magmayabang, kundi upang maipakita na may saysay ang aking pagsisikap at pagpupunyagi. Dahil sa dulo, hindi naman lahat ng bida ay mapagmataas. Minsan, sila lang ang mga taong handang manindigan para sa mga bagay na tahimik lang na pinapangarap ng iba.






