𝘃𝗶𝗮 𝗟𝗶𝗮𝗻𝗲 𝗝𝗮𝘇𝗺𝗶𝗻𝗲 𝗦𝗮𝗹𝘂𝗱𝗼, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
“Itaas ang pensiyon ng senior citizens,” “Pagbutihin ang healthcare ng bansa,” at “Ilaan ang pondo sa taumbayan!” Ilan lamang iyan sa mga hinaing na nakapagtataka kung mapakikinggan pa ba. Dumarami nga ang panukala, ngunit ang mga ito ba’y may saysay pa?
Usap-usapan ngayon ang Senate Bill No. 396 o "Parents Welfare Act of 2025” ni Senator Ping Lacson. Sa simpleng salita, ipinaliwanag dito na ang pag-abandona sa magulang ay magiging katumbas ng isang kriminal na pagkakasala. Kung hindi magagampanan ng anak ang obligasyon, may naghihintay sa kaniya na dalawang posibleng kaparusahan—magmulta ng malaking halaga o makulong ng maaaring umabot ng isang dekada.
Maraming Pilipino ang hindi sumang-ayon kay Lacson, kaya’t agad niyang nilinaw na may mga pagkakataon na walang obligasyon ang anak na magbigay ng suporta sa magulang. Ito ay kung ang magulang ay napatunayan sa korte na nagpabaya o inabuso ang sariling anak. Subalit, hindi ba’t mas magiging kawawa pa ang anak dahil pilit niyang kinakailangan magsagawa ng mga legal na proseso—matanggal lamang ang obligasyon sa taong nanakit sa kaniya?
Ang paghahanap ng abogadong magtatanggol sa iyo sa korte ay napakahirap na kaagad kung iisipin. Dagdag pa sa isipin ang gastos at oras na nararapat mong ilaan. Kung maisusulong bilang batas ang mga panukalang katulad ng “Parent Welfare Act of 2025” na naglalayong magbigay ng obligasyon sa taumbayan kapalit ng pag-iwas sa malaking kaparusahan—tiyak na maraming mga Pilipino ang maghahangad ng legal na representasyon para lamang maging “exemption” sa batas.
Hindi naman makatwiran na pahirapan ang taumbayan para lamang makapagpatupad ng mga bagong batas na hindi gaanong pinag-isipan.
Kung iaasa ng gobyerno sa taumbayan ang obligasyon, patunay lamang ito na kulang sila sa pagkukusa at hindi naipakikita ang kagustuhan nilang magbigay ng suporta sa mga mamamayan ng bansa. Ang mga hinaing nating mga Pilipino, ay hindi pinakikinggan sa kadahilanang baka ang pondo ay hindi nais ipagkaloob sa atin.
Sa usapin ng “Parent Welfare Act of 2025,” maaaring solusyonan ng gobyerno ang isyu ng mga nakatatanda sa pamamagitan ng pagpapatibay ng “social protection” sa bansa. Dito nakapaloob ang mga polisiya at programang makatutulong sa pagbaba ng antas ng kahirapan. Kung tuluyang maipagtitibay, maaaring maitaguyod ng mga Pilipino ang mga pansarili at pangunahing pangangailangan sa panahon ng pagtanda o pagretiro—at hindi dumagdag sa isyung pinansyal ng buong pamilya partikular ng mga anak na naghihirap sa trabaho.
Dahil sa kakulangan sa “social protection” ng Pilipinas, ang mga anak ay nagiging “retirement plan.” Subalit, hindi naman dapat dahil ang maayos na “retirement plan” ay isa lamang sa dapat hatid ng gobyerno.
Ang isang matibay na sistema ay hindi maaaring mabuo nang agaran, ngunit ang Pilipinas ay maaaring magsimulang gumawa ng mga konkretong hakbang kaysa patuloy na magbingi-bingihan sa sigaw ng kapwa mamamayan.
Bilang pangmatagalang aksiyon upang mabigyan ng maginhawang buhay ang mga nakatatanda, ang sistema ng pensiyon ang nararapat pagka-abalahan ng mga ahensya ng gobyerno. Batay sa mga datos ng distribusyon ng pensiyon, mayroong 40% na senior citizens sa bansa ang walang natatanggap na kahit anong halaga. Sa kabilang banda, ang karamihan sa mga nakatatanggap naman ng pensiyon ay nakakukuha lamang ng kaunting benepisyo.
Isa lamang ang pensiyon sa nangangailangan ng atensyon—kasama rin sa dapat pagtuunan ng pansin ang kalusugan. Sa pagtaas ng mga medikal na gastusin, kinakailangang mayroong mas komprehensibong pangangalaga para sa mga nakatatanda. Hindi dapat napananatili ang katamtamang kalagayan ng healthcare sa kasalukuyan lamang, kundi para sa mga susunod na henerasyon din dapat. Dapat ito’y abot-kaya sa bawat isa.
Sa dami ng mga bagay na dapat isaisip ng gobyerno, bakit ang mga panukalang alanganin pa ang kanilang gusto? Ang bansa natin ay dapat patuloy na umusbong sa mga magdadaang panahon ngunit dahil sa kapabayaan—baka tayo’y umusbong pabalik.
Lahat tayo’y nag-aasam ng pagbabago at ito’y magsisimula sa oras na maibigay na ang nararapat lamang para sa atin—nang walang pagpapahirap, purong serbisyo.