𝗩𝗶𝗮 𝗝𝗲𝘃𝗶𝗻 𝗔𝗹𝗳𝗿𝗲𝗱 𝗙𝗼𝗹𝗹𝗮𝗻𝘁𝗲
Isinugod sa ospital si dating Sacramento Kings star na si Vlade Divac matapos magtamo ng bali sa balakang bunsod ng aksidente sa motorsiklo sa Montenegro nitong Biyernes, Hunyo 20.
Ayon sa mga ulat, nawalan ng kontrol ang retired Serbian basketball player habang nagmamaneho malapit sa baybayin ng Adriatic Sea, at bumagsak sa kalsada, dahilan upang siya’y magtamo ng mga sugat at agad dalhin sa ospital sa bayan ng Risan.
Kinumpirma ng ospital na isinailalim si Divac sa emergency hip surgery kung saan ipinalit ang isang artipisyal na balakang para sa kanyang napinsalang bahagi.
“During the day, a surgical procedure was performed,” ayon kay Ljubica Mitrovic, spokeswoman ng ospital.
“He is in a stable general and physical condition and is under a careful supervision of the medical staff.” dagdag pa niya.
Si Divac, 57-anyos, ay isa sa mga unang prominenteng manlalarong Europeo sa NBA at naging bahagi ng mga koponang tulad ng Los Angeles Lakers at Sacramento Kings, kung saan nagsilbi rin siya bilang general manager pagkatapos ng kanyang playing career.