via Jevin Alfred Follante, Pressroom PH
Matapos ang mahigit walong dekadang paghihintay, magkakaroon na ng sariling tahanan ang University Athletic Association of the Philippines (UAAP) sa pamamagitan ng itatayong 6,000-seater indoor arena sa Pasig na magsisilbing sentro ng liga simula Season 90 sa 2027.
Ang Home of the UAAP ay itatayo sa Amang Rodriguez Avenue, Bridgetowne, sa tulong ng Akari Lighting & Technology, at nakatakdang simulan ang konstruksyon sa huling bahagi ng taon.
Idinisenyo ito ng Asya Design Partner sa pamumuno ng arkitektong si Albert Yu. Ang arena ay may kabuuang sukat na 18,000 square meters (190,000 sq ft) at hugis infinity symbol—sagisag ng walong kasaping pamantasan ng liga.
Ayon kay UAAP Executive Directo, Atty. Rebo Saguisag, ang arena ay magiging higit pa sa venue kundi isang espasyong magbibigay-hubog sa mga estudyanteng atleta.
“The Home of the UAAP is not just for the league itself; it is for the student-athletes who represent the heart and soul of the UAAP.
This is their home — a place where they can compete, grow, and thrive,” ani Saguisag.
Magkakaroon din ang pasilidad ng mga commercial spaces tulad ng food and beverage stalls at iba pang serbisyong maaaring gamitin ng mga manonood at kalahok.
Ayon kay Fr. Aldrin Suan, CM ng Adamson University, nagsimula ang proyekto sa merchandising partnership ng UAAP at Akari, na kalaunan ay lumawak tungo sa pagsasakatuparan ng sariling venue.
“Today's event is the result of a process that began with the UAAP's need and desire for a home, and Akari's vision of leaving a lasting legacy in the sports community,” ani Fr. Suan.
Para naman kay Akari CEO Christopher Tiu, ang kanilang partisipasyon ay bahagi ng kanilang misyon na suportahan ang grassroots sports sa bansa.
“This Home of the UAAP project is our way of supporting grassroots sports development, where young student-athletes can grow, excel, and shine on the national stage,” ani Tiu.
Bagama’t pangunahing gagamitin ng UAAP, bubuksan din ang venue para sa ibang liga tulad ng PBA, PVL, at NCAA sa pamamagitan ng rental.