Photos by Nygel Mejarito & Robert Porras
Matagumpay na isinagawa ang isa sa mga makasaysayang PUP Systemwide Walkout ng mga iskolar, guro, at empleyado ng Polytechnic University of the Philippines – Sta. Mesa, Manila noong Biyernes, Oktubre 10, sa University Avenue ng paaralan bilang protesta laban sa korapsyon at kakulangan ng pondo para sa pampublikong edukasyon.
Sa kabila ng malakas na ulan, hindi nagpatinag ang mga iskolar ng bayan sa pagpapaabot ng kanilang hinanaing sa pamamagitan ng pagmartsa at pagsigaw ng panawagan para sa karapatan sa abot-kaya at dekalidad na pag-aaral.
Tinatayang mahigit 15,000 estudyante mula sa iba’t ibang kolehiyo ng PUP Manila ang lumahok sa student-led walkout, na sinuportahan ni PUP President Manuel Muhi, bilang pagkilala sa karapatan ng mga iskolar ng bayan na ipahayag ang kanilang paninindigan.
Nakiisa rin sa pagkilos sina Gabriela Partylist Representative Sarah Elago at Kabataan Partylist Representative Renee Co, na kapwa nanawagan ng pananagutan, transparency, at sapat na pondo para sa mga unibersidad at kolehiyong estado upang matiyak ang dekalidad at makabayang edukasyon para sa lahat.
Kasabay nito, iba pang kampus ng PUP sa buong bansa ay nagsagawa rin ng kani-kanilang mga kilos-protesta bilang pakikiisa sa walkout.