via Alexis Pabello
Sa mundong puno ng filters, camera angles, at standards na parang nakaukit na sa batas ng lipunan, tila nagiging kompetisyon na rin ang simpleng pagharap sa salamin. Hindi dahil gusto nating gumanda, kundi dahil natatakot tayong matahin. Sa panahong mas binibigyang pansin ang kulay ng balat kaysa sa kulay ng pangarap, mas pinahahalagahan ang ilong kaysa sa ideya, at mas hinahangaan ang “face card” kaysa sa report card, paano pa nga ba mananatiling buo ang tiwala sa sarili?
Nakalulungkot isipin na sa mga paaralan—kung saan dapat pantay-pantay ang lahat, unti-unting nabubura ang kumpiyansa ng mga kabataang hindi pasok sa tinatawag nilang “standard.” Hindi dahil tamad o mahina, kundi dahil sa mga matang marurupok sa hitsura at mapanlinlang sa husay. Sa halip na makita ang kakayahan, mas nauuna ang unang tingin na dahilan kung bakit maraming kabataan ang natututong magtago sa likod ng makakapal na buhok, sa ilalim ng face mask, o sa mga tahimik na sulok ng silid-aralan.
“Ang galing niya, pero… pangit kasi.” — isang linya lang, pero parang lason na unti-unting pumapatay sa kumpiyansa. Sa bawat salitang ‘yan, may pusong napuputol, may pangarap na lumalabo, at may batang natutong magtanong: “Kailangan ko bang gumanda para mapansin?” Ilang ulit na bang nabura ang tunay na talento ng isang tao dahil hindi siya kasing kinis o kasing ayos ng iba? Ilang beses na bang na balewala ang sipag, dahil mas nangingibabaw ang ganda?
At mas masakit pa, minsan may mga taong hindi lang hinusgahan sa itsura, kundi pati na rin ang talas ng isip. “Pangit na nga, bobo pa.” Mga salitang parang mga bato sa dibdib ng isang inosenteng kabataan. Hindi lang nila tinitingnan kung ano ang nasa labas, pati ang kakayahan mo, ginagawan nila ng kwento. Dahil daw hindi ka kasing ganda ng iba, hindi ka rin kasing galing. Ang ilan, tinatabunan ng “popular kids” sa klase. Ang iba, sinasabihang “walang future” kahit hindi pa nga sila nabibigyan ng pagkakataong ipakita kung ano ang kaya nila.
Minsan, mapapaisip ka—paano kung hindi maganda, pero matalino? Mapapansin kaya? O kailangan mo munang magkaroon ng mukha bago ka magkaroon ng boses? Sa mundo ngayon, tila mas may bigat ang panlabas kaysa sa panloob na anyo. Ang katalinuhan ay natatakpan ng kagandahan, at ang kabutihan ay nalulunod sa ingay ng mga papuri para sa hitsura.
Ngunit ang totoo, hindi mo kailangan ng perpektong mukha para maging karapat-dapat. Dahil may mga matang nakakikita ng ganda sa sipag. May mga pusong nakaradama ng kagandahan sa kabaitan. At may mga taong marunong makakita ng liwanag kahit sa mga mukhang madalas balewalain ng lipunan.
Hindi dapat mukha ang basehan ng halaga. Dahil sa huli, pare-pareho lang tayo mga taong naghahanap ng pagmamahal, pagtanggap, at pag-unawa. Ang katalinuhan, kabutihan, at karakter—iyan ang mga bagay na hindi kailanman maluluma. Hindi nabubura ng edad, ng acne, ng opinyon, o ng mababang tingin ng iba.
Kaya sa lahat ng kabataang: tumayo ka. Kahit hindi ka nila tawaging “maganda,” ipakita mong marunong kang mangarap. Kahit hindi nila pansinin ang galing mo, patunayan mong kaya mong magtagumpay nang hindi kailangan ng validation. Hindi mo kailangang magmukhang perpekto para maging karapat-dapat. Maganda ka, matalino, mahalaga, walang kasamang “kaso.”
At kung sakaling maramdaman mong parang lahat ay mas maganda, mas matalino, mas worth it kaysa sa’yo—huminga ka. Hindi mo kailangang baguhin ang sarili mo para magustuhan ng mundo. Mas kailangan ng mundong ito ng mga taong totoo kaysa sa mga nagpapanggap na perpekto. Sapagkat sa huli, hindi kung gaano ka kaganda o katalino ang tatatak sa tao—kundi kung gaano ka kabuti.






