via Alexis Pabello
“Pagod lang ’yan. Kaya mo ’yan.”
Isa ito sa mga linyang madalas marinig ng mga kabataang tila araw-araw na nakikipaglaban sa mundo—sa modules, gawaing bahay, sa expectations ng pamilya, at sa sarili nilang pangarap na minsan ay nalulunod na rin sa mga listahan ng “to-dos.”
Pero kailan pa naging kasalanan ang mapagod? Kailan pa naging kahinaan ang huminga muna bago sumabak ulit?
Maraming kabataan ngayon ang tila nagiging makina—araw-araw umaandar, araw-araw may kailangang tapusin, araw-araw may kailangang patunayan. Pero sa kabila nito, wala silang karapatang magreklamo dahil “responsibilidad” raw nila. “Parte ’yan ng paglaki,” sabi ng matatanda. Pero bakit parang ang hirap maging bata kung ganoon?
Hindi na bago ang eksena ng isang estudyanteng sabay naglalaba, nagluluto, at nagre-review. Hindi na rin nakapagtataka kung bakit tila ba ang mga mata ng kabataan ngayon ay puno ng pangungusap na hindi masabi. Pagod na nga, pero may takot pang sabihing pagod, dahil baka mapagsabihan ng: “Eh, responsibilidad mo naman ’yan.” “Wag kang magreklamo, maswerte ka nga may pinag-aaralan ka.”
Pero hindi ba’t may hangganan din ang bawat lakas?
Hindi ba’t kahit ang araw ay lumulubog din?
Sa bawat pag-ikot ng oras, mas dumadami ang mga batang tinuturuan ng mundo kung paano maging matatag, pero nakalilimutang turuan kung paano magpahinga. Ang “resilience” ay naging pantapal sa lahat ng sugat, kahit minsan, kailangan din nating aminin na nasasaktan na tayo.
Hindi lang ito tungkol sa pagod na pisikal. Ito’y pagod na moral, pagod na mental, pagod na emosyonal—’yong tipo ng pagod na kahit matulog ka, dala mo pa rin pag gising. Pagod kang magpanggap na okay. Pagod kang ngumiti sa mga taong ayaw namang makinig sa totoo mong kalagayan. Pagod kang ipaglaban ang pangarap na tila unti-unting nagiging malabo dahil sa bigat ng realidad.
Sa mga kabataang natutong ngumiti sa gitna ng unos—hindi kayo mahina. Hindi kabawasan sa dangal ang umaming pagod ka. Sa katunayan, may tapang sa pag-amin. Dahil sa panahon ngayon, ang maramdaman mo pa ang sarili mong pagod ay pruweba na buhay ka pa.
May halong pait at kabighanian ang pagiging bata sa panahong ito. Pait, dahil masyadong maaga kang pinapasan ng mundo. Kabighanian, dahil kahit gano’n, pinipili mo pa ring bumangon kinabukasan. Kaya sa susunod na maramdaman mong napupuno ka na—huminga ka muna. Walang masama kung sandali kang titigil. Walang masama kung pipikit ka muna para damhin ang bigat ng katahimikan.
Hindi mo kailangang maging produktibo palagi. Hindi mo kailangang maging perpekto palagi.
Nakapapagod maging matatag palagi. Nakapapagod ngumiti habang unti-unting nababasag. Nakapapagod maging pagod. Pero heto pa rin ako, sumusulat, humihinga, at kahit mabigat, pinipiling magpatuloy. Dahil sa dulo ng lahat ng ito, ang pagod ay hindi kabiguan— ito ay paalala na may puso pa tayong lumalaban.
Ang pahinga ay hindi katamaran—isa itong pagsasauli ng sarili.