Natuklasan ng Department of Agriculture (DA) ang tinatayang Php 125-milyong halaga ng “ghost” o substandard farm-to-market (FMR) projects na isinagawa sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Mindanao, partikular sa Davao Occidental, Zamboanga del Norte, at Lanao del Sur.
Ayon kay Agriculture Secretary Fransisco Tiu Laurel, ilan sa mga proyekto ay iniulat na tapos na noong 2021 at 2022 pa batay sa mga dokumento ngunit sa aktuwal ay walang makitang kalsada o ‘di kaya ay sobrang mababa ang kalidad ng pagkakagawa.
“Kung sa papel ay milyon-milyon ang inilabas, pero sa lupa ay wala kang makikitang kalsada, malinaw na may problema,” pahayag ni Laurel, na nag-utos ng malawak na audit mula 2021 hanggang 2025.
Sa Davao Occidental, natukoy ang mga “ghost” FMRs kabilang ang isang Php 96-milyong flood control project sa munisipalidad ng Jose Abad Santos. Samantala, sa Zamboanga del Norte, isang mahigit kilometrong FMR ang itinayo ng walang semento kung kaya’t hindi mapakinabangan ng mga magsasaka.
Samantala, mas sumikip ang badyet ng kagawaran matapos bawasan ng Php 16-bilyon ang nakalaang pondo para sa FMRs sa susunod na taon, malayo sa Php56-bilyong orihinal na hiling ng DA, bagay na lalong magpapabigat sa 61,000-kilometrong backlog na kailangan tapusin.
Sinabi ni Tiu Laurel na makatatanggap ang DA ng karagdagang Php 40-bilyon bukod sa inisyal na badyet mula sa realignment ng Php 255.5-bilyong flood control project ng DPWH, bagama’t hindi pa tiyak kung mapupunta ito sa FMRs.