MANILA, Philippines — Nagsumite si Akbayan Partylist Representative Chel Diokno ng “Interns Rights and Welfare Bill” o House Bill 5081, na naglalayong mabigyan ng tamang sahod ang mga college at university students na sumasailalim sa internships bilang bahagi ng kanilang “academic requirement.”
Sa kanyang X post ngayong Sabado, Oktubre 4, binigyang-diin ni Diokno ang mga karapatan ng mga intern students na dapat nilang matamo, tulad ng “tamang working hours” at proteksyon laban sa “diskriminasyon” at “sexual harassment.”
“Sa panukalang ito, ang mga university at college students na required mag-internship ay may karapatan sa just compensation, tamang working hours, leaves, proteksyon vs diskriminasyon, sexual harassment, abuse, at exploitation, atbp,” ani ni Diokno sa kaniyang post.
Bukod dito, binigyang-linaw din ni Diokno sa kaniyang facebook page ang malinaw na internship plan at kontrata upang masiguro “ang kapakanan ng mga estudyante.”
Kaniya ring sinabi ang mga impormasyon sa sahod na dapat matandaan kung mag-i-intern sa gobyerno at pribadong mga institusyon.
Para sa mga intern sa gobyerno, 75% ng sahod ng Salary Grade 1, Step 1 ang kanilang matatanggap
Sa kabilang banda, 75% naman ng minimum wage ang matatanggap ng mga interns sa private companies.
Parehong “non-taxable at prorated sa actual working hours” ang mga sahod na matatanggap ng mga college at university students.
Naipanukala ang House Bill na ito bilang tugon sa mga suliranin na kinakaharap ng mga college at university students sa kanilang internships.