Ang bayan ay lumuluha,
hindi sa halakhak ng kapayapaan,
kundi sa lagim ng katahimikan
na nagiging kandado ng kalayaan.
Tahimik ang marami,
kaya’t malakas ang iilan.
Pumikit ang mga mata ng bayan,
at ang kasamaan ang naghari sa tahanan.
Walang gitna sa tunggalian ng mali at katuwiran,
ang bibig na nakapinid ay parang apoy na inupawan.
Ang hindi kumibo’y parang aninong nakangiti,
sa bisig ng mang-aapi sila’y kusang nakikisandig.
Ngunit ang tinig ng bayan hinding-hindi maililibing sa karimlan,
Agos ng ilog na walang hadlang, apoy na sisiklab sa bawat libingan, kulog na yayanig sa pusong sugatan.
Sa bawat bibig na naglalakas-loob,
may muog na gumuguho;
sa bawat sigaw ng katarungan,
may tanikala ng takot na nalalagot.
Tinig ng bayan—ito ang lakas,
tinig ng bayan—ito ang sandata.
Kapag nagkaisa ang tinig ng lahat,
ang liwanag ng katarungan
ay babaha sa bawat kanto ng bayan.
Kaya’t huwag pumili ng katahimikan,
huwag umasa sa gitna ng kawalan.
Sapagkat ang tunay na kalayaan
ay sa tinig ng bayan lamang nagmumula,
at sa tinig ng bayan
isinisiilang ang tinig ng katarungan.