Umigting ang sigaw ng kabataan kahapon, Oktubre 17, 2025, nang sabay-sabay na nagsagawa ng malawakang kilos-protesta ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang unibersidad sa Maynila sa ilalim ng National Day of Action Kontra Korapsyon, bilang mariing panawagan na wakasan ang katiwalian at bigyang-prayoridad ang edukasyon.
Pinangunahan ng mga mag-aaral mula sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), University of the Philippines Diliman (UP), Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST), De La Salle University (DLSU), University of Santo Tomas (UST), Far Eastern University (FEU), Mapúa University, at University of the East (UE) ang sabayang walkout at martsa patungong Mendiola, kung saan umalingawngaw ang mga panawagang laban sa umano’y ghost flood control projects ng gobyerno.
Nakibahagi rin sa protesta ang ilang magsasaka at manggagawa, na nagpaabot ng kanilang pakikiisa sa laban ng mga estudyante laban sa korapsyon at sa panawagan para sa tunay na reporma sa lupa.
Bitbit ang mga plakard na may sigaw ng “Jail the Corrupt!”, “No More Ghost Projects!”, at “Edukasyon, Hindi Korapsyon!”, ipinakita ng mga kabataan ang kanilang pagkakaisa para sa transparency, accountability, at mas mataas na budget sa edukasyon.
Ayon sa mga lider-estudyante, layunin ng pagkilos na papanagutin ang mga tiwaling opisyal at ipakita na handa ang kabataan na ipaglaban ang isang tapat at makatarungang pamahalaan.
Tinatayang mahigit 3,000 mag-aaral, guro, at kawani mula sa mga unibersidad sa Metro Manila ang lumahok sa protesta, kasama ang iba’t ibang youth at civic organizations na sumuporta sa panawagan para sa reporma sa pamahalaan.
Sa kabila ng ulan at banta ng masamang panahon, nagpatuloy ang mga raliyista sa kanilang martsa patungong Mendiola bilang patunay ng tapang at paninindigan ng kabataan sa gitna ng krisis at katiwalian.
Naging mapayapa ang buong kilos-protesta, ayon sa mga tagamasid at awtoridad, at walang naitalang insidente ng karahasan.
Sa pagtatapos ng programa, tiniyak ng mga organisador na hindi ito ang katapusan kundi simula pa lamang ng mas malawak na pagkilos para sa katotohanan, hustisya, at karapatan sa edukasyon.






