𝗩𝗶𝗮 𝗝𝗲𝘃𝗶𝗻 𝗔𝗹𝗳𝗿𝗲𝗱 𝗙𝗼𝗹𝗹𝗮𝗻𝘁𝗲
Muling magsasagupa ang ilan sa mga pinakamahuhusay na junior golfers ng bansa sa pagsisimula ng ICTSI Del Monte Junior PGT Championship ngayong Miyerkules, Hunyo 25, sa Del Monte Golf Club sa Bukidnon.
Bitbit ang hangaring makabawi mula sa runner-up finish sa Mactan leg, inaasahang mangunguna si Precious Zaragosa ng Davao sa girls' 15-18 category kontra sa kapwa Mindanaoan at mga Visayas-based challengers.
Kasama rin sa mga tampok na kalahok sa prestihiyosong torneo si Alexis Nailga, kampeon ng Mactan leg, na target muling ipakita ang kanyang tikas sa boys' 15-18 division laban kina Clement Ordeneza, ang defending Match Play Finals winner ng Bukidnon, at Cebu standouts Nyito at Roman Tiongko, gayundin si Santi Asuncion ng Bacolod.
Ang torneo ang unang hakbang sa apat na sunod-sunod na leg ng Mindanao swing ng nationwide series, na susundan ng mga laban sa Pueblo de Oro (Hulyo 1–3), South Pacific (Hulyo 9–11), at Apo Golf (Hulyo 14–16).
Makakaharap ni Zaragosa sa girls division ang mga kapwa batang bituin mula Bukidnon na sina Zero Plete at Crista Minoza, si Kenley Yu ng Cagayan de Oro, Venice Guillermo, at ang Davaoeñang si Santinna Patosa.
Masisilayan naman sa boys 11-14 division ang bakbakan nina Jared at Laurence Saban ng South Cotabato, Nicolas Bernardo ng Davao, at iba pang lokal na talentong gaya nina Mikhail Namocatcat, James Langamin at Miko Woo ng Bukidnon.
Samantala, hahabulin ni Brittany Tamayo ng South Cotabato ang ikalawang sunod na kampeonato sa girls’ 11-14 division laban sa mga katunggaling sina Margaux Espina, Sasha Edwards, Angel Wahing, Yvonne Colim, Kimberly Baroquillo, at Ayla Pavadora.
Aabangan din sa 7-10 age group ang sagupaan nina Jilliane Namocatcat, Ashia Frayco, Francesca Geroy, at Simon Apilat laban sa Mactan leg winner na si Ethan Lago.
Ang mga magwawagi sa bawat kategorya ay lalapit sa pagkakataong makasungkit ng puwesto sa Elite Junior Finals na itinakda sa Setyembre 30 hanggang Oktubre 3 sa The Country Club, Laguna.