𝘃𝗶𝗮 𝗥𝗮𝗽𝗵𝗮𝗲𝗹 𝗥𝘆𝗮𝗻 𝗦𝗲𝗻𝗰𝗶𝗹, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Isang lindol na may lakas na 6.3 magnitude ang yumanig sa karagatan ng Davao Oriental bandang 9:58 ng umaga nitong Martes, Hunyo 24, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa ikalawang bulletin nito, sinabi ng Phivolcs na ang sentro ng lindol ay natukoy sa layong 341 kilometro sa silangan-hilagang silangan ng Baganga, Davao Oriental, sa lalim na 34 kilometro.
Ang lindol ay may pinagmulan na tectonic, ibig sabihin, dulot ito ng paggalaw ng mga tectonic plates sa mga fault line o hangganan ng mga plate.
Batay sa sukatang ginagamit, ang lindol na may lakas na 6.3 magnitude ay itinuturing na malakas at maaaring magdulot ng malaking pinsala, lalo na sa mga mataong lugar.
Una itong iniulat ng Phivolcs bilang may lakas na 6.4 magnitude ngunit ibinaba sa 6.3 sa ikalawang bulletin.
Nag-ulat din ang ahensya ng mga antas ng intensity sa iba’t ibang lungsod at probinsya.
Narito ang mga sumusunod na naitalang intensity:
Intensity III - City of Bislig, SURIGAO DEL SUR; Tarragona and Boston, DAVAO ORIENTAL
Intensity II - Lingig, SURIGAO DEL SUR; Baganga, San Isidro, City of Mati, Manay, and Caraga, DAVAO ORIENTAL; Glan, SARANGANI; City of Tagum, DAVAO DEL NORTE; CITY OF DAVAO; Santa Cruz, DAVAO DEL SUR; Tulunan, COTABATO
Intensity I - Barobo and Tagbina, SURIGAO DEL SUR; Governor Generoso, and Cateel, DAVAO ORIENTAL; City of Digos, DAVAO DEL SUR; M'lang, COTABATO
Ang intensity ay tumutukoy sa naramdamang pagyanig at epekto ng lindol sa lupa, habang ang magnitude ay sumusukat sa enerhiyang inilalabas ng lindol.
Bagama't walang inaasahang pinsala, sinabi ng Phivolcs na posible pa ring makaranas ng mga aftershock.