𝘃𝗶𝗮 𝗥𝗮𝗽𝗵𝗮𝗲𝗹 𝗥𝘆𝗮𝗻 𝗦𝗲𝗻𝗰𝗶𝗹, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Tinatarget ng pamahalaan na alisin ang libo-libong illegal gaming websites sa bansa, ayon sa isang opisyal ng Palasyo nitong Lunes.
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro ang pahayag na ito sa gitna ng mga pangamba tungkol sa masamang epekto ng online casino games, na kilala sa mga Pilipino bilang "Scatter," sa mga manlalaro at kanilang mga pamilya.
Sinabi ni Castro na may mga umiiral na kontrol at monitoring sa mga lisensyadong gaming websites upang mapigilan ang labis na pagkakalulong ng mga manlalaro.
“Kung sakali po na ang isang pamilya ay nagkakaroon ng problema sa kanilang kaanak dahil nalululong sa sugal, maaari po silang dumulog agad sa PAGCOR upang ma-ban ang taong ito sa paglalaro,” aniya.
Dagdag pa ni Castro, ang mas malaking problema ay ang libo-libong illegal gaming websites na patuloy pa ring nag-ooperate sa bansa.
“Ang problema po ng gobyerno ngayon ay marami pong illegal na gaming website, at mayroon na po silang 7,000 websites na naipasara. Ipinapaalam po ito sa DICT upang agad itong maipasara. Iyon nga lang po, kapag naipasara, nagbabago na naman sila ng website,” aniya.
“Pero hindi po titigil ang PAGCOR at ang DICT sa pagtanggal ng mga ganitong klaseng website, kahit paulit-ulit po dahil paulit-ulit din silang nagpapalit ng website,” dagdag pa ni Castro.
Patuloy ang pagsisikap ng pamahalaan upang mapatigil ang ganitong uri ng operasyon.
Nanawagan din sila sa publiko na huwag nang tangkilikin o patulan ang mga hindi lisensyadong website na nag-aalok ng kita, lalo na kung ito ay labag sa batas.