via Rain Jesh Atinon
Naghari sa ikalawang pagkakataon ang Far Eastern University (FEU) Tamaraws matapos padapain ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers, 25-15, 25-22, 25-23, sa V-League Men’s Collegiate Challenge sa FilOil EcoOil Centre, San Juan City, Mayo 10.
Bagaman kontrolado ng FEU ang opensa, hindi basta-basta bumigay ang DLSU na nagpakita ng pusong palaban hanggang sa huling segundo ng laro, dahilan upang maging dikit at kapanapanabik ang bawat set ng laban.
“Sobrang saya, nakakagaan ng loob kasi, sa totoo lang, ang daming struggles na pinagdaanan namin ngayong V-League. Ang dami naming natutunan at maraming taong tumulong sa amin,” saad ni Dryx Saavedra ng FEU.
Kumamada si Saavedra ng 14 puntos mula sa 11 attacks at tatlong service aces, dahilan upang maiuwi niya ang Most Valuable Player honors.
Bumulusok ang sunod-sunod na palo ng mga Tamaraw at tuluyang ipinako sa court ang Green Spikers sa unang dalawang set ng laro, 25-15.
Naging kaliwa’t kanan ang ikalawang set pero nakuha ito ng mga Tamaraw, 25-22.
Dikdikan ang huling dalawang set ng laban at lalong uminit ang laro sa matinding resbak ng Spikers. Gayunman, naputol ang kanilang pag-asa nang rumatsada ang FEU sa ikatlong set sa pamamagitan ng mga malalakas at nakatutulig na hampas.
Sa gitgitang bakbakan, kung saan sinubukan pang makabawi ng mga Green Spikers, ginulat ni Amet Bituin ang mga miron sa kanyang naninibasib na title-clinching spike na nagselyo ng kampeonato para sa FEU.
Nanguna naman si Rui Ventura para sa La Salle matapos magtala ng 13 puntos, kung saan 12 ay nagmula sa attack line.
Samantala, ito na ang ikalawang silver medal ng Green Spikers sa kamay ng Tamaraws.