𝘃𝗶𝗮 𝗥𝗮𝗽𝗵𝗮𝗲𝗹 𝗥𝘆𝗮𝗻 𝗦𝗲𝗻𝗰𝗶𝗹, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Binigyan ng isang taong palugit ang mga overweight na pulis upang magbawas ng timbang, kung hindi ay tatanggalin sila sa serbisyo ng Philippine National Police (PNP).
Ipinahayag ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III ang mahigpit na babala noong Martes, Hunyo 17, kung saan binigyang-diin niya ang kanyang determinasyon sa pagpapatupad ng mga pamantayan sa physical fitness ng mga pulis.
“After one year, there will be a separation from the service,” ani Torre sa panayam sa dzBB.
Inihayag niya ang Republic Act No. 6975, o ang Department of the Interior and Local Government Act, na nagsasaad na ang timbang ng mga pulis ay dapat hindi hihigit o kukulang ng limang kilo batay sa standard weight ayon sa kanilang taas, edad, at kasarian.
Para sa mga may kondisyong medikal, sinabi ni Torre na may dalawang opsyon: maaari silang ma-discharge dahil sa kompletong kapansanan o mailipat sa mga administratibong tungkulin.
Ipinaabot din niya na magkakaroon sila ng konsultasyon sa National Police Commission tungkol sa magiging kapalaran ng mga pulis na may kondisyong medikal.
Kabilang ang pagbabawas ng timbang sa mga pangunahing direktiba ni Torre simula nang siya ay maupo bilang ika-31 hepe ng PNP.
Ayon kay PNP Spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, ang kautusan ni Torre ay nakaugat sa kanyang paniniwala na ang pagiging "physically fit" ng mga pulis ay sumasalamin sa disiplina sa kanilang hanay.
“It is incumbent upon every police officer to maintain a physical appearance acceptable for a police officer,” ani Fajardo.
Sinabi rin niya na ibinibigay ni Torre sa mga pulis ang kalayaan kung anong uri ng ehersisyo ang kanilang gagawin upang magbawas ng timbang, lalo’t isinaalang-alang ang ilang may kondisyong medikal.
“The directive does not dictate how you are going to lose weight, but of course, we will give considerations,” ani Fajardo.