| 𝘃𝗶𝗮 𝗭𝘆𝗿𝗮 𝗣𝗮𝘁𝗼𝘀𝗮, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Binati ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu si US President Donald Trump matapos inanunsyo sa publiko na binomba ng US Military ang tatlong nuclear site ng Iran nitong Linggo.
"Congratulations President Trump. Your bold decision to target Iran's nuclear facilities with the awesome and righteous might of the United States will change history," pahayag ni Netanyahu sa isang video message.
Pinasalamatan din niya ang Pangulo sa paglikha ng isang pagbabago sa kasaysayan na makatutulong na pangunahan ang Gitnang Silangan at iba pang mga lugar tungo sa isang kinabukasan ng kasaganaan at kapayapaan.
"President Trump and I often say, peace through strength. First comes strength, then comes peace," aniya.
Paliwanag pa ni Netanyahu, isinagawa nang may koordinasyon sa Israel ang pag-atake ng US, at natupad na ang pangakong sirain ang programa ng nukleyar ng Iran.
Dagdag pa rito, kasali na ang Estados Unidos kamakailan lamang sa kampanya ng pagbobomba ng pangunahing kaalyado nitong Israel matapos ang ilang araw na pag-iisip ni Trump.
Samantala, nagbigay naman ng pananaw si United Nations Secretary-General Antonio Guterres na isang "direct threat to international peace and security" ang mga pag-atake ng US sa Iran, at nagbabala rin siya na ang tunggalian sa Gitnang Silangan ay maaaring mabilis na mawala sa kontrol.
Nanawagan siya na bawasan ang tensyon at sundin na lamang ang kanilang mga obligasyon sa ilalim ng UN Charter at iba pang mga batas internasyonal.