Back to News
Literary

Tawirang Hindi mo na Natawid

5 days ago
3 min read
Tawirang Hindi mo na Natawid

𝗩𝗶𝗮 𝗝𝗲𝘃𝗶𝗻 𝗙𝗼𝗹𝗹𝗮𝗻𝘁𝗲, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛

Sa Iyo na Di Na Nakabalik,

Lahat ay tila normal nang araw na 'yon. Alas-singko pa lang ng umaga, nagkakape ka na habang binibilang ang natirang panustos. “Huling taya,” sabi mo, habang iniipit sa bulsa ang kulubot na dalawang libo. Tumango ako, bagama’t sanay na sa pangakong ‘yan. Pero sa totoo lang, kahit paulit-ulit, naniwala pa rin ako. Dahil ang totoo, sa kabila ng pagod mo, buo pa rin ang paninindigan mong hindi tayo susuko.

Pero nung araw na ‘yon, parang may dumaan na aninong hindi natin napansin. Lumipas ang hapunan na wala ka. Sumapit ang alas-diyes ng gabi na hindi ka man lang nagparamdam. Sa umpisa, sinubukan kong kalmahin ang sarili na baka nalibang, baka nahold, baka tinamad lang umuwi. Pero habang palalim nang palalim ang gabi, ramdam kong hindi na lang ito ordinaryong abala. Ito na ‘yong klaseng pagkalimot na may bahid ng pagkalunod.

At hindi lang pala ako ang dinapuan ng pangamba. Sa sumunod na mga linggo’t araw, isa-isa nang lumutang ang kwento ng iba pa. Tatlumpu’t apat kayong sabungero na hindi na muling nasilayan. Parang may kamay ng halimaw na humila sa inyo ng sabay-sabay, at tinabunan ng katahimikan. Hindi ko alam kung alin ang mas masakit kung ang iyong pagkawala ba o ang pagtrato sa inyo na parang wala kayong halaga.

Nitong linggo lang, may lumutang na “alias Totoy.” Ayon sa ulat ni Emil Sumangil, handa raw siyang tumestigo. Pero ang sabi niya, malabo na raw kayong buhay. “Hindi na makikita ang mga buto,” aniya. Diyos ko, ni anino mo, ni sintas ng sapatos, wala raw matitira? Gano’n na lang? Basta na lang? Para kayong mga papel na sinabuyan ng apoy—nasunog, naglaho, at tuluyang tinangay ng hangin.

Araw-araw akong binabangungot ng tanong: Inilaban ka ba? Iniyak mo ba ang pangalan ko? Binigyan ka ba nila ng awa? Hanggang saan ka nila dinala? Saang sulok ng mundo mo pinilit tumawid pauwi? Bawat pintig ng puso ko, bitbit ang pag-asang sana nakita mo pa ang langit bago ka tuluyang isinuko sa dilim.

Hindi lang ako ang naulila nang buhay. Sa bawat barangay at bayan, may tulad kong iniwan ng gabi. May batang hindi alam kung bakit wala nang umuuwing ama. May asawang pilit pinupunan ang puwang na hindi man lang nabigyan ng maayos na pamamaalam. Si Aling Carmen, ina ng isa sa inyo, ay naninikluhod na kahit buto lang ng anak niya ang maibalik. Ako? Kahit papel. Kahit sintas. Kahit isang hibla ng alaala mo.

Ngunit kung totoo nga, tatanggapin ko, pero hindi ibig sabihin ay titigil ako. Hindi ako tatahimik. Hindi ko hahayaang pangalan mo’y mawala sa hangin gaya ng ginawa nila sa katawan mo. Hindi mo ito huling kwento. Hindi ka isang “nawalang sabungero.” Isa kang tao. May pangalan. May pangarap. At higit sa lahat, may hustisyang ipaglalaban.

Kaya ako na ang magpapatuloy. Ako na ang kakalampag. Ako na ang magtutulak ng pintong matagal nang isinara para sa mga gaya mo. At hanggang sa dumating ang araw na maririnig ko na muli ang tinig ng katotohanan, hindi ako hihinto sa paghakbang sa tawirang hindi mo na natawid.

About the Author

P

Pressroom Philippines

Illuminating truth, voiced by the youth — a new generation of storytellers driven by passion, purpose, and the power of perspective.

You Might Also Like

I Thought 18 Would Feel Different

They said when you turn 18, everything changes. Like the world would greet you with open arms, like responsibilities would finally feel empowering, like you’d wake up with a roadmap, a vision, a fire in your chest.

Dagliham (Email) Para sa Kinabukasan ng Kabataang Pilipino

Mahal kong Kabataang Pilipino, Ika nga ni Dr. José P. Rizal at sa ganitong araw rin siya isinilang, "Ang kabataan ang pag-asa ng bayan." Subalit paano kung mismong ang kinabukasan ng kabataang Pilipino ay ninakaw ng mga pekeng kumakatawan sa kabataan na mismong mga strawman pa?