Korapsyon.
Nakakalungkot isipin na tila naging bahagi na ng araw-araw ang salitang ito. Paulit-ulit, parang sirang plaka na ayaw tumigil. Sa bawat pagbukas ng radyo, iisa lang ang himig—bagong iskandalo, bagong pangalan, ngunit tumutukoy sa iisang kwento. Parehong sugat. Parehong sakit. At sa bawat ulat, mas lalo lang itong lumalalim.
Kahapon lang, may napakinggan akong balita sa radyo; may mga aberya diumano sa flood control project na ginawa sa Bulacan. Sabi raw, pera ng bayan ay ninakaw dahil wala naman talagang nagawa na flood control.
Naalala ko si Itay. Limang taon na ang nakalipas magmula nung nangako siyang babalik siya habang kami’y pinipilit niyang lumikas sa gitna ng rumaragasang bagyo.
Ngayon, habang tumataas ang tubig, tumatakbo ulit kami dala-dala ang mga gamit na minsan pa’y dala-dala rin namin nung mga panahon na iyon.
“Matatag talaga tayong mga Pilipino, kahit gaano kahirap, bumabangon pa rin.” ika nila.
Ngunit hanggang kailan?
Hanggang kailan ba magiging sukatan ng ating pagkatao ang kakayahan nating magtiis?
Hanggang kailan ba natin tatawaging ‘katibayan ng loob’ ang pagkalunod sa problema, habang ang mga may sala ay nakaupo pa rin sa posisyon?
Habang kumakapal ang bulsa ng mga nasa itaas, tayo naman ay paulit-ulit na nagsisimula sa wala.
Oo, matatag tayo.
Oo, nakakabangon tayo.
Pero kung paulit-ulit tayong nilulugmok, katatagan pa ba ito… o kawalan na ng hustisya?
Korapsyon.
Hindi lang ito kwento ng ninakaw na pondo, kundi ng kinabukasang ninanakaw mula sa atin.
At habang sinasabi nilang “matatag tayo,”
tila nakalimutan nila na ang tunay na sukatan ng liderato ay hindi kung gaano katagal tayong bumangon, kundi kung gaano nila tayo tutulungan.
Ilang milyon pa ba ang ilalabas sa mga proyektong puro lamang plano?
Ilang taon pa ba ang hihintayin, makamit lamang ang gobyernong kailangan natin?
At sana wala nang buhay pa, ang mawala’t sumunod sa yapak ng nadaanan ni Itay—dapat na nating singilin ang pananagutan.